Tatak Pilipino
Pilipino ako.
Ipinanganak ako noong Abril 1999. Ang unang wika ko ay Tagalog. Sinigurado ng magulang ko, lalo na ng tatay ko, na marunong kami ng kuya ko maging magalang at mag-mano, mag sabi ng po at opo sa mga nakakatanda.
Ang mga nakakatanda, dapat lang na bigyan ng respeto. Madami silang pinagdaanan na hindi natin alam.
Ang mga Pilipino ay ang isang uri ng tao na nakakakita ng kasiyahan sa maliliit na bagay.
Ang mga Pilipino, kahit madaming problema sa buhay, kayang ngumiti at sumaya.
Lumaki kami ng kuya at mga pinsan ko na naglalaro sa labas. Kahit sa eskwelahan, ang mga laro namin ay patintero, chinese garter, tumbang preso, yo-yo, at iba pa.
Naabutan din namin yung Nintendo tulad nung sa kantang "Dati". Nag-aagawan kami ng kuya ko at mga pinsan ko sa Nintendo.
Siyempre paborito ko at iba kong pinsang babae yung bahay-bahayan.
Noong lumabas yung PC, meron din kaming iskedyul kung sino makakalaro. Habang hindi pa namin oras, naglalaro kami sa labas.
May TV na noong pinanganak ako, at naaalala ko na nag-aagawan kami ng remote control ng lolo ko noong buhay pa siya kasi gusto ko manuod ng cartoons.
Napilitan na lang siyang hayaan ako mag cartoons pagkatapos ng eskwelahan. Habang wala ako sa bahay, iyon na lang ang nagiging oras niya manuod.
Ang Agosto ay Buwan ng Wika.
Ipinalaki kami na bigyan ng pansin ang sariling nasyonalidad gamit ang wika sa buwan na ito, pero sa totoo lang, dapat araw araw natin maalala kung saan tayo nanggagaling.
Kapag alam mo kung saan ka galing, madali lang sumaya, pero dapat bigyan mo rin sarili mo ng pangkalawakan o oras na mangarap.
Hindi porket sa tingin mo ito lang ang kaya mo sa buhay, titigil ka na doon.
Sayang naman, diba?
Ang taong nangangarap, nagpupursigi, at hindi nakikinig sa mga taong nagsasabi na hindi kayang makamit ang pangarap, ay may mararating din sa buhay.
Dasal at tatag. Kaya mo yan.
Laban at pahinga,
Belle x
Comments
Post a Comment